All in One Tatay
Posted by: eloiski on: Oktubre 15, 2007
Ang tatay ko ay isang mabait, pambihira at malupet na tao hindi lang sa Pilipinas kundi sa mundo (maniwala ka!). Halos lahat kaya na ata niyang gawin para sa amin na mga anak niya except lang siguro ang mabuntis. At oo, isa akong dakilang papa’s girl. Hindi ko alam kung bakit pero siguro iyon ay dahil sa mga lessons na itinuro niya sa akin noong maliit pa lamang ako hanggang ngayon bilang isang bata. Para sa akin, lahat ng sinasabi niya lessons, kahit alam kong yaong iba ay isang napakalaking kalokohan niya lamang. Para sa akin ang tatay ko ay isang all-in-one tatay dahil maaari siyang maging:
- Storyteller - Ito ang ginagawa ng tatay ko para lamang mapatulog ako kapag tanghali. Hindi ko kasi talaga hilig ang matulog noon pwera na lamang kung magkwekwento ang tatay ko tungkol sa unggoy, pagong, baboy, kambing at eroplano. Ang galing nga niya magkwento dahil pati eroplano naisasali niya sa mga hinayupak na yun. At doon ko nalaman na ang eroplano pa la ang siyang finale niya sa kanyang istorya. Kunwari ang kanyang kamay raw ay isang eroplano, ginagalaw-galaw niya na tulad sa pag-usad ng eroplano at saka magkacrash sa aking tagiliran upang ako’y kilitiin. Paulit-ulit ang kanyang mga characters pero hindi ang kwento kaya tunay na nasisiyahan ako at maya maya pa’y knock out na ako. Zzzz
- Taekwondo master – Inaway ako noon ng pinsan kong napakataba, tawagin na lamang natin siya sa pangalang baboy. Pinaiyak niya ako noong kami’y maliliit pa lamang at hindi ko alam kung ano ang dahilan. Nagsumbong ako sa papa ko at ibinigay sa akin ang sinturon niya. Ako naman, lumapit sa aking pinsan at saka siya pinalo. Sa kasamaang palad, ang ulo niya ang natamaan at ang bakal sa sinturon pa ang nakatama. Hayun, dumugo ang ulo ng aking pinsan. Pero ngayon, tinuturuan na niya ako ng self-defense at ilang mga basics ng taekwondo, karate at kung anu-ano pa iyan pati nga boxing. Tara laban tayo!
- Fan – Siya ang aking dakilang number 1 fan. Halos lahat ng mga ginagawa ko sinusuportahan niya. Mapaquizbee man iyan, mapa-intrams o ano pa mang paligsahan kahit yaong Olympics lang
, suportado niya ako sa lahat ng bagay. Pinadala nga niya ako noon ng assete de manzanilla, yaong color green para daw hindi masyadong mapano ang mga paa ko dahil nalaman niyang sasali ako sa long jump. Syempre di ko kinuha, paano kung matapon iyon sa loob ng bag ko eh di ang anghang na at hindi na mapapadelicioso ang aking bag na gaya ng kay Dora.
- Chessmaster – Sumali siya dati sa isang paligsahan sa Bahrain ata iyon, doon sa kanyang working place ng chess. At sa kabutihang palad, siya nama’y nanalo. Hindi lang second place o first place kung hindi champion. At para mapatunayan nga na nanalo siya, nagpadala siya ng kanyang piktyur na kung saan naroon siya’t hawak-hawak ang kanyang tropeyong na maihahalintulad sa pinag-iinuman ng pari bago magsimula ang communion. Nakalimutan ko na ang pangalan ng basong iyon eh.
- Chef – Mayroon talaga siyang palagiang niluluto basta nandito siya sa bahay. At iyon ay walang iba kundi ang kanyang “inkiwar” o rice cake. Maraming nasasarapan sa luto niyang ito, at malamang kaya nasasarapan sila baka kung ano nilalagay niya. Pero, ang naaalala ko sa mga niluto niya ay ang instant mami noodles na walang lasa at napakatabang. Hayun pala, hindi niya nailagay ang mga pampalasa na basta alam niyo na iyon yaong nasa loob din kasama ang mga instant mami noodles.
- Dancer – Mahilig sumayaw tatay ko… kapag lasing. Kwinento sa akin ng tito ko na siyang nakainuman niya noong nalasing ang aking erpat, sumasayaw raw ito ng ballet at ang musika ay hindi ko alam ang title pero ito ang lyrics “Ako ay isang model, dito Ermita. … Darna!” yaong kanta ni BlackJack. Mahilig siyang sumayaw pero hindi magaling.
- Tutor/Teacher – Siya ang palagiang nagtuturo sa akin noong ako’y elementarya pa lamang. Sadyang napakagaling niya sa Math kung kaya’t kapag hindi ko naintindihan ang itinuro ng aking titser na hindi ko naman talaga pinapakinggan dahil ayaw ko sa kanya, siya na lang nagtuturo sa akin. Meron dati na ayaw ko na talaga magreview pero pinipilit talaga ako ng tatay ko, pinapamemorize o pinapadrawing niya sa aking yaong color wheel pero ayaw ko na talaga mag-isip. Hayun, at iyon pa ang lumabas sa aming test na idrawing ang colorwheel at ito’y kulayan (kaya nga colorwheel eh!).
- Model – Meron kasi kaming proyekto na kung saan kailangang mag-interview ng isang tao na kung saan ang kanyang propesyon o trabaho ay related sa Math. Kaya ininterview ko na rin ang aking tatay na isang civil engineer. Hayun, sinagot naman niya bawat katanungan ko sa isang malinis na papel dahil hindi ko maintindihan sinasabi niya tungkol sa piping, welding na yan. At para mas maganda, kinuhanan ko na rin siya ng litrato na kunyari ay nagwewelding daw siya o nag-iinspect ng mga bakal, pipe at tangke.
- Kasama – Siya ang pinakagusto kong kasama kung may pupuntahan kami na pinakagusto naming dalawa. Iyon ay walang iba kung hindi ang bookstore. Mahilig kaming magbasa at marami rin kaming balak bilhin na mga libro na hindi abot kaya ng aming bulsa. Kung kaya’t, doon na lamang namin babasahin. Siyangapala, siya rin ang tagabigay ng mga coloring books ko noong ako’y isang batuta pa lamang.
- Actor – Sa maniwala ka’t hindi umiyak na rin ang tatay ko noon. At naroon ako sa kanyang tabi, naiiyak na rin tuloy ako. Ang lungkot naman kasi niya magkwento noong kanyang kapanahunan. Para lamang daw Makita ang nakasulat sa pisara, kunwa’y buburahin daw niya ang mga nakasulat sa pisara ng unti-unti ngunit ang totoo’y kinakabisa na niya ang mga ito. Malabo kasi ang kanyang mga mata pero hindi niya sinasabi sa kahit kanino. Mahirap kasi ang buhay nila. Pero nalaman din at iyon nagsuot siya ng napakakapal ng eyeglass. Sa kanya ko siguro namana ang malabong mata o baka naman dahil sa kaadikan sa kompyuter. Malamang!!! (sabi ni nanay!)
Marami pa siyang mga katangian at trabaho ngunit hindi ko na babanggitin ang ilan dahil sila’y sadyang napakarami.
UmangaL