Notbuk ni Eloiski


Who’s your mommy, now?
Mayo 5, 2008, 9:30 umaga
Isinalansan sa: Family Affairs Episode, Multiple Choice Episode

Malapit na naman ang araw ng mga nanay at dahil diyan humantong muli ang aking utak sa ganitong post.  May numero 1,2,3 o mas kilala sa enumeration na tila nakakasawa na ata sa aking mga mambabasa (kung may nagbabasa nga talaga?). Pero, dahil nga blog ko ito, may karapatan akong itype ang lahat ng gustuhin ko.  Walang sinuman ang makapipigil sa aking mga daliri na magtype, sa aking utak na mag-isip at mag-imagine.  Hindi ito mula sa aking pagsasaliksik o pag-interbyu sa mga propesyonal, bihasa o mga dalubhasa pa.  Ito’y dala lamang ng aking malikhaing imahinasyon (dagitaket!).  Ayon sa utak kong inalog-alog at inuuntog sa
pader tapos binuhusan ng asido at pinukpok ng martilyo, ito ang mga naisip kong mga nanay, mama, mommy, ina, inay, mom, momcy, momski, mother, mamita at kung anu-ano pa:

1. All-around mama - Ang nanay na tagahugas ng pinggan, tagalaba, tagasaing, tagluto, tagalinis, taga-alaga ng anak basta gawaing-bahay iyan, ginagawa niya.  Ayaw niyang kumuha ng mga katulong dahil sa kanyang paniniwalang yakang-yaka daw niya pero ang totoo hindi na dahil nagmumukha na siyang longkatuts sa kalosyangan.

2. Lola Mama - Ang nanay na nahuli sa pagkerengkeng at paglalandi.  Sobrang late sa pag-aasawa at malamang na pameno-pause na nang huling nabuntis. Napagkakamalang lola rin siya ng kanyang kaisa-isang anak dahil sa matanda na nga.

3. Dalagang Mama – Ang nanay na kabaliktaran naman ni lola mama dahil ang nanay na ito ay napaaga sa kanyang paglalandi.  Napaaga ang pagkerengkeng sa kanyang syotakz at najuntis sa maling pagkakataon.  Siya ang nanay na kadalasang magrereklamo kung hindi nakapunta sa mall at nabili ang mga bagong outfits.

4. International Mama - Ang nanay na nag-aangkin ng mga anak na ang iba’y singkit, maputi, blue-eyes o negro. At dahil sa iba-iba ang lahi ng kanyang mga anak, hindi na rin niya mawari kung sino ang ama ng mga ito.  Maaari na rin siyang matawag na United Nation’s mama.

5. Stage Mama - Ang nanay na sobra ang pananamit, sobra ang make-up kahit na ba special award lang ang nakuha ng anak.  Minsa’y mapagkakamalan mo siyang person in authority dahil sa kanyang get-up. Masyadong papansin sa harap ng entablado at sobra at pagmamalaki sa kanyang anak na special award lang naman.

6. Sosi Mama – Ang nanay na sosyal at galing sa mataas o mayaman na angkan.  Siya ang nanay na sobra rin ang pagmamayabang sa kanyang anak na nagtapos ng mga kung anu-anong degree sa isang university, nakapasa o topnotcher sa mga bar exams.  Gusto niya laging mataas ang nakukuha ng kanyang mga anak at hindi pwedeng bumaba sa tumataginting na 95%.

7. Japorms Mama – Ang nanay na parang ate lamang nila sa ating paningin dahil sa kanyang pananamit.  Sila ang mga nanay na close na close sa kanilang mga anak dahil maaari silang lapitan kung ang mga anak ay may problema o gustong sabihin na sikreto na ayaw ipaalam kay papa.

8. Buntot-Sunod Mama – Ang nanay na sunod ng sunod sa mga anak kahit saan man sila magpunta.  Hindi siya mapakali kung sakali mang ito’y mawalay sa kanyang tabi.  Kadalasan ang mga anak na may ganitong nanay ay ang mga binata o kalalakihan.  Kapag may sugat lang ang anak aba’y supercalifragilisticespialidocious gagamutin niya agad ito.  Hindi rin niya nakakaligtaang lagyan ng pulbos ang anak.

9. Workaholic Mama – Ang nanay na walang ibang ginawa sa buhay kundi ang magtrabaho buong araw buong gabi.  Kadalasa’y wala na siyang panahon sa kanyang mga anak at asawa dahil sobrang besi-besihan ang ina.  Ang ganitong sitwasyon ay minsa’y nagdadala sa mga anak upang magrebelde o lumayas sa kanilang pamamahay.

10. Palengkera Mama – Ang nanay na napakalakas at kay ingay ng boses. Mahilig dumada at sumatsat, nakakairita sa tenga  Siya rin ay always on the go at kapag may problema sa paaralan tungkol sa kanyang mga anak sugod agad iyan sa principal’s office.

11. Hulog ng Langit Mama – Ang nanay na inaasam-asam ng lahat.  Mabait, mapagmahal, mapag-aruga basta lahat ng posistive attitudes nasa kanya na lahat. Madaling pakiusapan at maiintindihan ka sa lahat ng bagay.  Syempre, gumagawa rin siya ng mga gawaing-bahay pero may oras pa rin siya sa kanyang sarili para magpabeauty.

12. Eloski’s Mama – Ang nanay na pasimple-simple lang.  Masyadong kuripot at kapag nagkaproblema halimbawa tumaas ang bill ng kuryente ang kanyang anak na mahilig magcomputer ang sisisihin.  Mahilig din siya matulog pero may oras pa rin naman sa kanyang mga anak.  Pasimple nga pero wag ka kapag nagalit susme magtago ka na sa lungga mo dahil parang sasabog na bulkan ang drama nito.  Omg!

Inuulit ko po, ang lahat ng iyan ay ayon lamang sa aking imahinasyon.  Kung sakaling wala man diyan ang inyong mga nanay sa nakalista, ikomento niyo na lang sa akin.  Kaya, ano pa hinihintay niyo diyan mga repapips! Magwelga ka na!